Huwebes, Nobyembre 7, 2019

Hindi ko kaya ni : Rola

Hindi ko yata kayang mawala ka
Hindi ko yata kayang aminin na
Natatakot ako na lumayo ka
Titikisin na lamang ang pagsinta

Mas mabuting manatili ka sa buhay ko
Kaysa aminin  ko sayo ang totoo
Mas mabuting ako na lang ang masaktan
Kaysa mawala ka sakin bilang kaibigan

Mas nais kong manatili ka na kaibigan ko
Sa halip na tuluyan ka nang lumayo
Mahirap man sa damdamin
Ito ay akin na lang titiiisin

Hindi ko alam kung kakayanin ko
Kapag ikaw ay nawala sa buhay ko
Ikaw ang gamot na nagbibigay lunas
Ikaw ang nagbabalik sa akin ng lakas

Kapag ikaw sa buhay ko'y  nawala
Mawawalan na ako nang sigla
Ngunit kung hindi ko na kakayanin 
Ikaw ay akin na lang  palalayain




..

Sabado, Nobyembre 2, 2019

Kung may kalayaan lang ako ni ;Rola

Kung may kalayaan lang ako
Nandyan ako ngayon sa tabi mo,
Malayang ipararamdam sayo tunay na nararamdaman ko

Kung may kalayaan lang ako
Lagi akong nandyan para sayo
Ipararamdam at malayang sasabihing mahal kita

Kung may kalayaan lang ako
hindi titikisin ang aking damdamin
Malayang sasabihin , ikaw ang nagpapasaya sa akin

Kung may kalayaan lang ako
hindi ko na kailangan idaan sa tula
hindi na kailangan ako'y malungkot at mangulila.



Miyerkules, Oktubre 9, 2019

Ikaw ay Mahalaga ni: Rola

Habang naiisip ko ang kalagayan mo
Nalulungkot at nahihirapan din ako
Nararamdaman ko ang paghihirap mo
Nanghihina ako dahil ikaw ang LAKAS ko

Dati -rati lagi kang masayang kausap
Ngayo'y sa tinig mo randam ang paghihirap
Kahit hindi mo sabihin ang iyong kalungkutan
Dama ko ang hirap na iyong nararamdaman

Nakakalungkot  dahil wala akong magawa
Ni sabihing nandito lang ako para sayo di ko magawa
Di ko maipadama na sakin ikaw ay mahalaga
Siguro kung batid mo, ito'y maaari mong ikasiya.

Nais ko sanang maibsan ang bigat na iyong dinadala
Tulad ng naidudulot mo sa aking saya
Sana maibalik ko rin ang kapanatagan
Na sa akin iyong  ipinaramdam

Ngunit puno ako ng alinlangan kung dapat ba
Ipaalam sayo na ikaw sakin ay mahalaga
Maraming beses na tinagka ko sayong sabihin
Ngunit nangangamba akong ika'y lumayo sakin..

Lunes, Hulyo 22, 2019

Tama Na ni: Rola

Bakit ganito ang nadarama
Akala  ko kaya ko na
Sabi ko sa sarili ko- TAMA NA,
Ngunit patuloy pa rin akong nagdurusa

Hindi napanindigan ang aking pasya
Noong nakausap ka nanumbalik ang nadarama 
Akala ko ganoon kadaling mawala
Nagkamali ako nandoon pa rin pala

Nahihirapan na akong magkubli
Naninimbang, nalilito at nagkukunwari
Pilit na itinatago ang totoo
Ngunit di ko na kayang magbalat kayo

Paulit ulit kong  nilalabanan ang damdamin
Ngunit unti-unti na rin akong naninimdim
Hindi ko na kakayanin pang magtago
Kailangan ko nang aminin ang lahat sayo...

Lunes, Enero 14, 2019

Pagsisimula't pagwawakas ni:Rola

       Sinikap kong ibahin ang pagsisimula ng aking taon. Sabi ko sa sarili ko, sa wakas nagawa kong magpaalam sa isang malungkot na bahagi ng buhay ko sa loob ng apat na taon. Pinilit kong bumalik sa dating ako. Ginawa kong abala ang aking sarili sa trabaho..nakipagkumustahan sa mga katrabaho, pinilit na ngumiti bagamat may kirot na tinatago. Pinilit kong ikubli ang tunay na nararamdaman, subalit di ko pala talaga kaya lalo na nang muli kitang makita.  Mistulang apoy nag,-alab muli ang aking nadarama. Nanumbalik ang sidhi ng damdamin. Sinubok ng pagkikitang yaon ang aking kahinaan. Natukso ako muling  makipag-ugnayan. Ngunit sabi ko sa sarili ko- TAMA NA, hindi nararapat na ako ay magdusa. Kailangang maibalik ang dati kong sigla, and dating saya sa buhay ko kahit hindi na kita makausap o makita...