Linggo, Disyembre 12, 2021

Hanggang dito na lang Ni: Rola

 
Sa ating muling pagkikita
Nanumbalik ang aking nadarama
Ngunit kalakip nito’y lungkot ay dama
Pagkat  batid ko’y nadarama mo’y iba
 
Kahit hindi mo sabihin
Sa kilos mo’y pinaramdam na rin
Ang hindi  mo mabigkas 
Sa kllos mo’y mababakas
 
Hindi na kailangan pang ipaalam sa akin
Na hindi tayo pareho nang damdamin
Tunay ngang tapat ang iyong pakikipagkaibigan
Sa muling pagkikita’y ito’y iyong ipinaramdam
 
Ang sakit dahil batid ko
Ako ay kaibigan lang para sa iyo
Ang sakit tanggapin nang totoo
Na talagang hanggang dito na lang tayo
 
Maraming taon rin akong nahirapan
Umasang pareho tayo ng nararamdaman
Marahil dapat ko ring isipin
Hindi ito nararapat para sa atin
 
Marahil  ang pinakamabuting gawin
Ang hatid ng tadhana’t maluwag kong tanggapin
Ito ang nakatakdang kapalaran
Tayo’y hanggang magkaibigan lamang
 
Ikaw ay akin nang palalayain
At sa pagpapalayang ito na aking gagawin
Hindi lang ikaw ang lalaya maging ako rin
Sa pananabik at pagtikis ng damdamin
 
Masakit man sa akin ang paglayo
Ngunit  mas magiging masakit na makita ko
Ang pakikipagkaibigan mo’y tuluyan nang maglaho
Kaya’t  akin nang tanggapin na  hanggang dito na lang tayo.
 
 

Miyerkules, Pebrero 17, 2021

Hindi Ko Na Alam Ni: Rola

 

Madalas na sinusubukan kong makipag-usap sa iyo
Ngunit madalas ang resulta'y pagkabigo
Hindi kita makausap,ni makita di na rin magawa
Kung alam mo lang kung gaano ako sa iyo nangungulila

Minsan nangangailangan ako ng kaibigan
Makikinig sa aking kalungkutan at kinatatakutan
Nais ko sana ikaw ang aking makasama
Sa mga oras na ito ay aking nadarama

Noon, ikaw ang nagbibigay sa akin nang lakas
Mga salita mo ang siyang nagiging lunas
Ngunit ngayon kahit na text hindi ko na masilayan
Kahit kaunting oras ay hindi na mapagbigyan

Maraming pagkakataon na nagmumuka akong tanga
Naniniwalang parehas tayo ng nadarama
Madalas ako’y naghihintay na mapansin mo
Ngunit mas dama ko ang iyong paglayo

Hindi ko alam kung dapat ba akong magpasalamat
Na ginagawa mo nang madali para sa akin ang lahat
Hindi ko alam kung ano ang iyong layunin
O ano ba ang iyong tunay na damdamin

Sabihin mo lang kung tama na
Pigilin  ang sariling mahalin ka
Ang nais ko lang ay manggaling sayo
Kung nais mo na akong lumayo…


Miyerkules, Enero 27, 2021

Walang Halaga Ni: Rola

Hindi mo man sabihin, ramdam ko ang iyong paglayo
akala ko hindi mo magagawang saktan ako nang ganito
Naisip ko tuloy wala talaga akong halaga
Hindi mo pinahalagahan ang aking nadarama

Nakakalungkot pero ito ang katotohanan
Nagkaroon na ng lamat ang ating samahan
Ang iyong paglayo ay nag-iwan ng sugat sa aking kaluluwa
Ang hapdi ay pauli-ulit nanunumbalik tila isang parusa

Noon ikaw ang aking sandigan
sa tuwing ako ay pinanghihinaan
Ang iyong mga salita ay sapat na
upang manumbalik sakin ang sigla 

Ngayo'y wala na akong kakapitan
Hinayaan mong malunod sa kalungkutan
Iniwan ako sa gitna ng matinding ulan
Sa panahong higit kitang kailangan.