Lunes, Abril 8, 2024

Pinapalaya na Kita Ni: Rola


Pinaniniwalaan ng puso ko 
Na walang masama sa nararamdaman ko
Subalit sinasabi ng isip ko
Na maling ikaw ay mahalin ko.

Totoong walang masama sa nararamdaman ko
Dahil nagmamahal ako ng totoo,
Nagiging mali lamang ang pagmamahal
Kung hindi dalisay at hindi bukal

Bukal at walang masama sa nadarama ko 
Wala akong ibang nais kundi ang ikabubuti mo
Laging dasal ikaw ay nasa mabuting kalagayan
Malusog at malayo sa kapahamakan.

Tunay na dalisay ang aking pagsinta
Wala akong hangaring masama
Nais ko ang lahat ng makabubuti para sayo
Sisikaping gawin magin ito ma'y aking paglayo

Bagamat patuloy pa rin kitang mamahalin
Huwag mangamba't hindi na kita gagambalain
Ibibigay ko sa iyo ang katahimikan
Magdulot man sa akin ito ng kalungkutan

Titikisin ko ang sakit na dulot ng aking paglayo
Tatangapin ang katotohanang hanggang dito na lang tayo
Papalayain  kita dahil MAHAL KITA
Ang tanging nais ko lang ay maging MASAYA ka't MALAYA.

Linggo, Disyembre 12, 2021

Hanggang dito na lang Ni: Rola

 
Sa ating muling pagkikita
Nanumbalik ang aking nadarama
Ngunit kalakip nito’y lungkot ay dama
Pagkat  batid ko’y nadarama mo’y iba
 
Kahit hindi mo sabihin
Sa kilos mo’y pinaramdam na rin
Ang hindi  mo mabigkas 
Sa kllos mo’y mababakas
 
Hindi na kailangan pang ipaalam sa akin
Na hindi tayo pareho nang damdamin
Tunay ngang tapat ang iyong pakikipagkaibigan
Sa muling pagkikita’y ito’y iyong ipinaramdam
 
Ang sakit dahil batid ko
Ako ay kaibigan lang para sa iyo
Ang sakit tanggapin nang totoo
Na talagang hanggang dito na lang tayo
 
Maraming taon rin akong nahirapan
Umasang pareho tayo ng nararamdaman
Marahil dapat ko ring isipin
Hindi ito nararapat para sa atin
 
Marahil  ang pinakamabuting gawin
Ang hatid ng tadhana’t maluwag kong tanggapin
Ito ang nakatakdang kapalaran
Tayo’y hanggang magkaibigan lamang
 
Ikaw ay akin nang palalayain
At sa pagpapalayang ito na aking gagawin
Hindi lang ikaw ang lalaya maging ako rin
Sa pananabik at pagtikis ng damdamin
 
Masakit man sa akin ang paglayo
Ngunit  mas magiging masakit na makita ko
Ang pakikipagkaibigan mo’y tuluyan nang maglaho
Kaya’t  akin nang tanggapin na  hanggang dito na lang tayo.
 
 

Miyerkules, Pebrero 17, 2021

Hindi Ko Na Alam Ni: Rola

 

Madalas na sinusubukan kong makipag-usap sa iyo
Ngunit madalas ang resulta'y pagkabigo
Hindi kita makausap,ni makita di na rin magawa
Kung alam mo lang kung gaano ako sa iyo nangungulila

Minsan nangangailangan ako ng kaibigan
Makikinig sa aking kalungkutan at kinatatakutan
Nais ko sana ikaw ang aking makasama
Sa mga oras na ito ay aking nadarama

Noon, ikaw ang nagbibigay sa akin nang lakas
Mga salita mo ang siyang nagiging lunas
Ngunit ngayon kahit na text hindi ko na masilayan
Kahit kaunting oras ay hindi na mapagbigyan

Maraming pagkakataon na nagmumuka akong tanga
Naniniwalang parehas tayo ng nadarama
Madalas ako’y naghihintay na mapansin mo
Ngunit mas dama ko ang iyong paglayo

Hindi ko alam kung dapat ba akong magpasalamat
Na ginagawa mo nang madali para sa akin ang lahat
Hindi ko alam kung ano ang iyong layunin
O ano ba ang iyong tunay na damdamin

Sabihin mo lang kung tama na
Pigilin  ang sariling mahalin ka
Ang nais ko lang ay manggaling sayo
Kung nais mo na akong lumayo…


Miyerkules, Enero 27, 2021

Walang Halaga Ni: Rola

Hindi mo man sabihin, ramdam ko ang iyong paglayo
akala ko hindi mo magagawang saktan ako nang ganito
Naisip ko tuloy wala talaga akong halaga
Hindi mo pinahalagahan ang aking nadarama

Nakakalungkot pero ito ang katotohanan
Nagkaroon na ng lamat ang ating samahan
Ang iyong paglayo ay nag-iwan ng sugat sa aking kaluluwa
Ang hapdi ay pauli-ulit nanunumbalik tila isang parusa

Noon ikaw ang aking sandigan
sa tuwing ako ay pinanghihinaan
Ang iyong mga salita ay sapat na
upang manumbalik sakin ang sigla 

Ngayo'y wala na akong kakapitan
Hinayaan mong malunod sa kalungkutan
Iniwan ako sa gitna ng matinding ulan
Sa panahong higit kitang kailangan.  

Huwebes, Oktubre 15, 2020

 Maraming beses ko na nasabi sayo na sumasaya ako pag nakakausap kita...kahit saglit lang na nakakausap kita, malaki ang nagagawa noon sa akin...napapanatag ako, pag naririnig ko ang boses mo...

Pero sa maraming pagkakataon na nakakausap kita , sa akin  madalas nagsisimula.Maraming pagkakataon na sinubukan kong umiwas,

May pagkakataon din namanng ikaw ang unang nakikipag ugnayan , tinatawagan mo ko dahil naalala mo ko kumustahin, hindi man madalas,  masaya pa rin ako at minsan naalala mo rin pala ako...

Hindi ko alam kung ano bang mararamdman ko kasi nasa sitwasyon na ako kung saan kailangan ko nang palayain ang sarili ko para magkaroon ng kapanatagan ang isip at puso ko..sinisikap kong umiwas o lumayo... pero sa tuwing lumalayo ako, lalo kong napapalapit sayo...

Kung naalala mo sa isang sulat ko sayo nasabi ko na ayokong dumating ang oras na isa ka na sa dahilan na maging malungkot ako...dumating na ang oras na yun... dahil hindi na maaaring mangyariang nais ko, na gusto ko lagi kitang kausap pero hindi maaari at  hindi nararapat...

Nasabi ko rin sayo noon sa isa kong sulat na gusto ko na ring maging masaya .Hindi ako magiging masaya kung  walang kapanatagan ang loob ko, at magkakaroon lang ako ng kapanatagan kung malaya akong gawin o sabihin ang nais ko. Siguro kailangan ko na  ring palayain ang sarili ko, 4 na taon na rin ang  lumipas ,hindi ko na ito patatagalin pa...anuman ang maging tugon mo... mula doon ... magsisimula ako...

Di ko alam kung tama ba itong gagawin ko, ang totoo natatakot ako sa kung anong pwede mong isipin, at sa iyong magiging reaksyon...
kaso gusto ko nang maging malaya at magkaroon ng kapanatagan kahit  alam ko sa sarili ko na wala akong intensyong masama...

Isa sa nararamdaman ko para SAYO ang dahilan kung bakit HINDI ako MALAYA ..hindi ako malayang sabihin ang nararamdaman ko para sayo...dahil hindi ko alam kung maiintindihan mo ako sa pagkakataong ito...

Pero kung  magiging bukas ka at kung nais  mong malaman kung nasaan ako ngayon,  subukan  mong basahin ang mga tulang isinulat ko mula taong 2016 hanggang 2020 dito ko lahat sinabi ang hindi ko kayang sabihin sayo...dito naging MALAYA ako...

Anuman ang maging pagtanggap mo, pakiusap ko maging TAPAT ka sana sa akin... at kung magdesisyon ka na di mo na ako gustong makausap, .irerespeto ko ang pasya mo ...pakiusap ko lang sana huwag mo akong husgahan...dahil wala akong masamang intensyon at wala akong gustong saktan...katunayan sa desisyong ito ng pag-amin ko sayo... ako ang nasasaktan...pero tatanggapin ko kung ito lang ang paraan para maging MALAYA ....

Huwebes, Abril 9, 2020

Kung Wala Ka ni : Rola

Binalutan ng dilim ang aking mundo
Simula nang nagpasyang sayo'y lumayo
Nawalan na nang liwanag ang buhay ko
Nawalan na ng kulay ang mundo ko

Ang dating saya sa aking mata
Napalitan nang bakas ng  luha
Dating ngiti sa  labi ang mamumutawi
Ngayo'y tikom at  nagdadalamhati

Durog ang aking puso
Nagdurusa at nagdurugo
Kung hindi man kalabisan
"Wasak" kung ito ay ilalarawan

Hindi ko alam kung kakayanin  pa,
Pilit kong nilalabanan ang puso ngunit di ko kaya
Nahihirapan na ako, lakas ko'y unti-unting nawawala
nanghihina, napaparalisa ang buhay ko kung wala ka..

Miyerkules, Enero 1, 2020

Hindi Kailangang Lumayo ni: Rola



Paanong hindi kita mamahalin,
Kung pinapakita ay pagpahalaga sa akin?
Paanong hindi kita hahangaan
kung ang ipinapakita'y kabutihan?

Hindi  ka man perpekto,
May mga katangian ka mang  negatibo
Lalo pa rin kitang minamahal
Nag-aalab ang pagsinta habang tumatagal

Hindi kailangang ika'y aking layuan
Kung ang epekto mo sa aki'y kabutihan
Walang dapat ikahiya sa aking nadarama
Dahil wala naman akong hangaring masama

Muli mong binuo ang wasak kong pagkatao
Inspirasyon kita para sa  aking pagbabago
Binuksan mo ang aking mata sa mga bagay -bagay
Binigyan mo ko nang dahilang muling mabuhay,

Sana lahat ng ito napapaalam ko sayo
Sana alam mo na inspirasyon ka sa buhay ko
Hindi lang sana lahat ng ito ay napapahayag sa tula
Masabi ko sana sa iyo lahat nang ito nang malaya...