Linggo, Nobyembre 5, 2017

Bakit? ni:Rola

Bakit sa tuwing malungkot ako
Nais ko sa iyo tumakbo?
Bakit sa tuwing  masaya ako
Nais kong ibahagi sa iyo?

Bakit kapag ako ay nanghihina
Makausap ka lang ako’y sumisigla?
Bakit sa tuwing ako ang nangangamba
Ikaw ang siyang nais kong  makasama?

Bakit kapag nakakausap ka
Dulot mo’y kakaibang sigla?
Bakit kapag nakakasama ka
Sobrang saya ang nadarama?
,
Bakit di mawari ang aking damdamin
Misan masaya, madalas naninimdim?
Bakit ganito ang nadarama sayo
Bagamat batid kong hindi nararapat ito?

Bakit ngayon ka lang dumating
Ngayong hindi na kita maaaring angkinin?
Bakit  kailangang pigilin ang nadarama
Gayong dalisay naman ang pagsinta?

Huwebes, Setyembre 7, 2017

Ala-ala ka ni :Rola

Patuloy kang dumadaloy saking isipan
Hindi nawawaglit kahit ni minsan
maging sa panaginip naroon ka
kasa-kasama ka sa aking pag-iisa

Tinig mo ang siyang aking naririnig
binubulong ng puso at isip
Dulot nitong  kapanatagan
Aking hinahanap-hanap

Sa pagpikit ng  mga mata
muka mo ang siyang aking nakikita
sa isip ko ikaw ay patuloy na naglalakbay
kahit magkalayo, hindi magkawalay

sa puso ko nanantiling buhay
ang pagmamahal ko sa iyong tunay
Di ko man sa iyo ito maipadama
Patuloy pa rin mamahalin ka...

Lunes, Hulyo 17, 2017

Sagot sa pagod na puso Ni:Rola

Mga araw linggo at maging buwan ang nagdaan
Nakapag-isa,nakapag-isip at napagpasyahan
Mga tanong sa aking isipan
Nabigyan na nang malinaw na kasagutan

Nararapat na nga  bang tuldukan
Kalimutang lahat at manindigan
At hayaan ang puso’y lumaya at magpaalam
nang paghihirap ay di na maranasan?

Ang tugon ng aking puso: bakit pa?
Gayong anumang maging pasya
Walang mababago sa nadarama
Ang pag-ibig sa iyo’y hindi mag-iiba

Hindi na kailangang pang magpaalam
Dahil kahit kailan di kita malilimutan
Ikaw ang laging nasa aking isipan
Di kailanman nagbago ang nararamdaman

Hindi kailangan pang mangulila
Di man kita makakausap o makikita
Patuloy pa rin kitang mamahalin
Walang kapalit na hihihingin

Hindi na kailangang maging malungkot
Ni makaramdam ng  anumang  takot
sapagkat sa nagmamahal di kailangang mangamba
Lalo na’t tunay ang pagmamahal na nadarama

Hindi kailangang mapagod ang puso
Ni makaramdam nang pagkabigo
Dahil sa nagmamahal walang kapaguran
Magtitiis, magmamahal hanggan kailan…

Biyernes, Hunyo 9, 2017

Liham para sayo Ni. Rola

ang dami kong gusto ishare sayo, kaso ang dami ko rin alinlangan...
ang dami kong gustong sabihin sayo pero di ko alam kung paano uumpisahan...
ang daming beses na nagtangka akong magkwento pero sinasarili ko na lang...
ang dami kong gustong  itanong sayo, ngunit walang kasagutan...

gusto ko lagi magmessage sayo , to keep in touch pero di ko magawa kasi baka mainis o mairita ka na...
ang hirap magpaliwanag dahil alam kong di naman ito kailangan...
ang daming times feeling ko nagmumuka na lang akong TANGA sa ginagawa ko dahil hindi mo exactly  nauunawaan kung nasaan ako ngayon...

Bakit ba feeling ko napakaimportante ng opinion mo...
-pag may nangyaring maganda ,gusto ko ikwento sayo, 
-pag masaya ako gusto ko ibahagi sayo,
-pag malungkot at natatakot ako , gusto kong humingi ng comforting words mula sayo,
-pag may problema gusto ko sayo tumakbo...
PERO dahil alam kong mayroon ka rin iniinda patuloy na lamang umid ang aking dila...


...At ang mga bagay na sa iyo ko lang naisheshare, di ko na rin magawa ngayon,  takot akong---mainis ka, magalit ka, mapagod ka at lumayo ka...

Biyernes, Mayo 12, 2017

Paano? Ni: Rola

Magiging masaya ba ako o malulungkot?
Di mawari ang nararamdaman.
Mamumutawi ba sa labi ay ngiti?
O patuloy na ako’y malulumbay?          
Pilit na iwinawaglit sa isip…
Ayaw ko na!
Ngunit, hindi pala…

Tikom ang bibig sa mga nais sabihin
Nagbubulag-bulagan sa katotohanan.
Pinipilit maging manhid sa nararamdaman.
Tama ba?
Nararapat ba?
Maraming  mga katanungan
Hindi mabigyang kasagutan;

Paano ipapaalam?
Gayong hindi alam kung paano uumpisahan.
Paano ipadarama?
Gayong ako’y puno ng pangamba
Paano ipapakita?
Gayong nagtatanong kung tama ba.

Ipipikit  na lang ba ang mga mata?
Ipipinid ang tainga?
at huwag na lang isipin
ang mga kasagutan
sa lahat ng katanungan
Upang maging ganap ang kasiyahan…

Huwebes, Abril 13, 2017

Sapat na ang Saglit ni. Rola

Sinikap takasan ang aking  sarili
Pinilit na labanan dahil alam kong mali
Ngunit kahit damdami'y  pinipigilang pilit
Pagmamahal sayo ay hindi maiwaglit

Isip ay pilit na pinaniniwala
Na ang mahalin ka'y hindi  tama
Puso'y patuloy na pinipigilan
Mahalin ka'y wala akong karapatan

Ngunit naglalaban ang isip at damdamin
Mahalin ka ay di kayang pigilin
Nais kong palayain ang sarili
Pakawalan sa gapos ng paninisi

Hindi nararapat parusahan ang puso
Sa halip bigyang layang magmahal sayo
Hindi kailangan makaramdam ng pangamba 
Kung dalisay naman ang pagsinta

Sa pagpapalaya ng damdamin
Ikaw ay lubusang mamahalin
Hindi maghahangad ng kapalit
Makasama ka lang sapat na ang saglit...

Miyerkules, Pebrero 22, 2017

Tunay na Nadarama ni Rola

Kung naipapadama ko lang sayo
Ang tunay na nararamdaman ko
Maaaring  higit pa ang saya,
Nadarama pag nakakasama ka.

Ang mga sandaling kasama ka
Di man sapat, ako’y kuntento na
Kahit saglit lang  na nagkakasama
Dulot sa aki’y panibagong sigla.

Masaya ako pag kasama ka,
Nalulumbay pag di ka nakita,
Parang may kulang sa araw ko
Kaya makausap ka masaya na ako

Parang ang babaw kung iisipin
Ngunit habang tumatagal lumalalim
Ang nararamdaman para sa iyo
Sa bawat araw, nagtutumibay lalo.

Hinahanap- hanap kita
Nagnanais na makasama ka
Ngunit wala akong magawa
Siguro makausap ka ay sapat na.

Hindi ko alam hanggang kailan ganito,
Magtitiis, mananabik  sayo
Ngunit paghihirap  man sa damdamin
Patuloy pa rin kitang mamahalin...

Martes, Enero 10, 2017

Pagod na Puso Ni:Rola

Sa mga araw na nagdaan
Bumibigat ang pinagdadaanan
Namumuo ang pangamba
Na hindi ko na kakayanin pa

Ngunit patuloy pa rin akong umaasa
Na ang lahat ay maaayos pa
Umaasa baka ngayon, baka bukas
Ngunit taon  na ang lumilipas

Pinipilit tanggapin ang kalagayang ito
Ngunit napapagod din pala ang puso
Hanggang kailan ganito?
Hanggang kailan mabibigo?

Batid kong wala na akong aasahan
Sa pagbabagong aking inaasam
Ito ay mistulang pangarap na walang katuparan
Mananatiling isang panag-inip na lamang;

Tatanggapin ko na lang nga ba
Na ito ang hatid nang tadhana?
O tuluyan ng tutuldukan,
ang lahat ng paghihirap na nararanasan

Naninimbang, nalilito ang puso
Ang totoo, di ko kayang lumayo
Ngunit hanggang kailan ang lungkot  ay kakalabanin,
Dayain man ang puso, napapagod din

Nililimi ang tamang sagot sa aking mga katanungan
Dapat ko na ba itong tuldukan?
Kalimutang lahat at manindigan
At hayaan ang puso’y lumaya at magpaalam…